Handa nang tumanggap ang ISIAH Hospital Group ng mga pagpaparehistro at paglilipat ng registration ng mga empleyado sa pribadong sektor sa kanilang mga pasilidad sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay ISIAH Hospital CEO Diven Dimaala, nakahanda ang kanilang mga pasilidad na tumanggap ng mga empleyadong nais magparehistro o lumipat sa kanilang napiling YAKAP facility upang mapakinabangan ang mga benepisyo ng programa.
Maaaring magparehistro ang mga benepisyaryo sa alinman sa tatlong pasilidad ng grupo: ISIAH Diagnostic Laboratory sa Odiongan, ISIAH Hospital sa Looc, at ISIAH Hospital and Medical Center sa Odiongan.
Sa ilalim ng PhilHealth YAKAP, maaaring makakuha ang mga miyembro ng pangunahing serbisyong pangkalusugan, kabilang ang libreng konsultasyon, laboratory examinations at mga gamot, alinsunod sa saklaw at mga alituntunin ng programa.
Kaugnay ito ng PhilHealth Advisory No. 2026-0060 na nilagdaan noong Nobyembre 9, 2026, na naghihikayat sa mga pribadong employer na tulungan ang kanilang mga empleyado sa pagpaparehistro at pagtatalaga ng kanilang napiling YAKAP facility.
Maaaring pangasiwaan ng mga employer ang registration sa pamamagitan ng onsite registration, sa pakikipag-ugnayan sa kinauukulang PhilHealth Regional Office o Local Health Insurance Office, o gamit ang eGovPH application at PhilHealth Member Portal.
Hinihikayat din ng PhilHealth ang mga employer na magbigay ng sapat na oras o excused absence sa kanilang mga empleyado upang makapagparehistro at makagamit ng mga serbisyong hatid ng YAKAP.


























