Ikinadismaya ni Mayor Marvin “Greggy” Ramos ang napaulat na pansamantalang pagtigil ng operasyon ng Sunlight Air sa Tugdan Airport sa Alcantara, Romblon, dahil sa maitutulong sana ng serbisyong panghimpapawid sa turismo at transportasyon sa lalawigan.
Sa isang panayam, sinabi ni Ramos na sayang ang pagkawala ng naturang serbisyo dahil nagbibigay ito ng alternatibong paraan ng pagbiyahe para sa mga turistang nais bumisita sa Romblon.
Sinabi rin ni Ramos na nauunawaan niya ang mga hamong kinakaharap ng airline, kabilang ang mataas na pamasahe at ang lokasyon ng Clark bilang pangunahing pinanggagalingan ng mga flight.
Binanggit din niya ang mga pagbabago sa operasyon ng mga propeller aircraft sa MIMAROPA, kabilang ang paglilipat ng kanilang operasyon sa Clark, na maaaring makaapekto sa gastos at accessibility ng biyahe para sa mga pasahero.
Umaasa ang alkalde na kung magiging mas maluwag ang mga restriksiyon sa operasyon, posibleng dumami muli ang mga pasahero at maging mas abot-kaya ang pamasahe.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng suporta mula sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pamahalaang panlalawigan, upang makatulong sa pagpapanatili ng mga serbisyong panghimpapawid sa Romblon.
Ayon kay Ramos, mahalaga ang pagkakaroon ng direktang serbisyong panghimpapawid dahil nagbibigay ito ng mas maraming opsiyon sa mga biyahero na makarating sa lalawigan at nakatutulong sa pagpapalago ng turismo.


























