Arestado ang isang 52-anyos na lalaki matapos umanong tangkaing saksakin ang kanyang nakababatang kapatid kasunod ng pagtatalo dahil sa pagkain sa Sitio Sta. Ana, Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon, noong hapon ng November 11.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (MPS), nauwi sa umano'y pagtatangkang pananaksak ang pagtatalo ng magkapatid. Nakatakas ang biktima at agad na humingi ng tulong sa barangay hall.
Bandang alas-2:35 ng hapon, iniulat ng punong barangay ng Tumingad ang insidente sa Odiongan MPS, na agad namang nagpadala ng mga tauhan sa lugar.
Matapos makapanayam ang biktima at mga saksi, inaresto ng mga pulis ang suspek. Narekober din mula sa kanyang pag-iingat ang isang kutsilyong pangkusina na umano'y ginamit sa insidente.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal matapos siyang arestuhin.
Sumailalim na sa inquest proceedings ang suspek kaugnay ng kasong Attempted Homicide at nananatili sa kustodiya ng Odiongan MPS habang hinihintay ang kaukulang disposisyon ng kaso.


























