Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kabayanihan at pagtulong ng pitong miyembro ng Malakas Association na nagsagawa ng rescue operation matapos tumaob ang isang fishing banca sa karagatan malapit sa Barangay Alad, Romblon, Romblon noong Nobyembre 9, 2026.
Gamit ang motorbanca na ipinagkaloob ng Malakas Association, matagumpay na nasagip ng mga mangingisda ang anim na sakay ng fishing banca na VAN & THEENA.
Bilang pagkilala sa kanilang agarang pagtugon at boluntaryong pagtulong, ginawaran ng Coast Guard Station (CGS) Romblon ng Certificates of Appreciation ang pitong miyembro ng asosasyon sa isang seremonya na isinagawa sa himpilan nito noong Nobyembre 12.
Pinuri ng CGS Romblon ang mga rescuer sa kanilang mabilis na pagkilos at malasakit sa kapwa, na nagpakita ng mahalagang papel ng pagtutulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan at pagsagip ng buhay.
Sinabi ng PCG Romblon na ipinakita rin ng insidente ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga lokal na mangingisda at iba pang sektor ng komunidad sa pagtugon sa mga emergency sa dagat.


























