Nagbabala ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng Odiongan sa mga may-ari ng negosyo at commercial establishments laban sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nagpapanggap na kinatawan o kawani ng tanggapan.
Sa inilabas na public advisory, pinayuhan ng BPLO ang mga business owner na maging mapanuri sa mga kahina-hinalang tawag at transaksyong gumagamit ng pangalan ng tanggapan.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga opisyal na proseso at protocol ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang posibleng panloloko at mga hindi awtorisadong transaksyon.
Hinimok ng BPLO ang publiko na agad iulat sa kinauukulang tanggapan ang anumang kahina-hinalang tawag, pakikipag-ugnayan o transaksyong may kaugnayan sa mga nagpapanggap na kawani nito.


























