Pormal nang sinimulan ang kauna-unahang Congressman’s Cup Pickleball Tournament na nilahukan ng mga manlalaro mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan bilang bahagi ng pagsusulong ng sports development at healthy living sa Romblon.
Personal na dumalo sa pagbubukas ng paligsahan si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, kasama ang mga alkalde mula sa iba't ibang munisipalidad sa lalawigan.
Ipinahayag ni Madrona ang kanyang buong suporta hindi lamang sa mismong paligsahan kundi maging sa patuloy na paglago ng pickleball community sa Romblon. Aniya, mahalagang magkaroon ng mga programang magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming Romblomanon na matuto, makilahok at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa larong ito.
Binigyang-diin din ng kongresista ang kahalagahan ng pagpapalakas ng mga programang pampalakasan upang mahikayat ang mga residente na maging aktibo at pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng regular na ehersisyo at sports.
Bilang pagkilala sa naging tagumpay ng unang torneo, nagpahayag din si Madrona ng suporta sa pagsasagawa ng Congressman’s Cup Pickleball Tournament nang dalawang beses kada taon upang mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga manlalaro mula sa iba't ibang bayan na makilahok.
Sa pamamagitan nito, inaasahang higit pang lalawak ang pickleball community sa lalawigan at mas maraming Romblomanon ang mahihikayat na makibahagi sa larong nagtataguyod ng aktibong pamumuhay at pagkakaisa.


























