Ipinahayag ni Senador Lito Lapid na ang kanyang boto pabor sa pag-archive ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay bunsod ng paggalang sa desisyon ng Korte Suprema.
Ayon sa senador, ang hakbang ng Senado ay hindi nangangahulugang may kasalanan o wala ang Bise Presidente, kundi pagsunod lamang sa pasya ng Hudikatura.
“Kung sakali man at ma-grant ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara sa Korte Suprema, ang inyong Senado ay nakahandang ipagpatuloy ang paglilitis laban sa Bise Presidente,” ani Lapid.
Binigyang-diin niya na wala ring saysay ang anumang debate hinggil sa pagpapatuloy ng paglilitis habang nakabinbin ang desisyon ng Korte Suprema, dahil ito ay magiging paglabag sa pasya ng mataas na hukuman.
Idinagdag pa ng senador na mahalaga ang checks and balances sa pagitan ng sangay lehislatibo at hudikatura, at tanging Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magpaliwanag ng Saligang Batas.
“Naniniwala po tayo na ang rule of law at due process ang dapat manaig sa ating bansa dahil kung hindi ay magkakagulo po at masama ito sa ating ekonomiya at matatakot ang mga investor,” paliwanag ni Lapid.
Sa kabila ng pagkakaiba ng opinyon sa isyu, nanawagan ang mambabatas sa magkabilang panig na igalang ang desisyon ng Korte Suprema at magkaisa para sa kapakanan ng mamamayan.


































