Arestado ang 16 katao sa isang anti-illegal gambling operation ng Looc Municipal Police Station sa isang bilyaran sa Barangay Punta, Biyernes ng gabi, July 11.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nagsagawa ng operasyon ang mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanilang Barangay Intelligence Network ukol sa iligal na sugal sa lugar. Pinangunahan ni Police Major John Anthony Angio ang pagresponde.
Batay sa ulat, naaktuhan umano ng mga operatiba ang mga suspek habang nagsusugal.
Kabilang sa mga nahuli ang ilang residente ng Looc at mga dumayo mula Odiongan, pati na mga menor de edad.
Nakumpiska mula sa kanila ang mahigit ₱32,000 na pinaniniwalaang pusta.
Ang mga nahuli ay dinala sa Looc Municipal Police Station, habang ang mga menor de edad ay itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office.
Itinanggi naman ng ilan sa mga suspek at ng kanilang mga kamag-anak ang akusasyon ng ilegal na pagsusugal.
Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602.


































