Nasa alanganing posisyon ang Gilas Pilipinas Basketball Team matapos itong mapasama sa isang matinding grupo para sa FIBA World Cup 2027 Asian Qualifying Tournament.
Sa ginanap na draw, ang Gilas ay nakasama sa Group A kung saan makakaharap nila ang mga powerhouse na Australia (World No. 7), New Zealand (World No. 22), at ang Guam (World No. 88), na may notable player sa katauhan ni Jericho Cruz ng San Miguel Beermen.
Samantala, ang ibang grupo ay binubuo ng mga sumusunod: sa Group B ay Japan, China, Korea, at Chinese Taipei; sa Group C naman ay Iran, Jordan, Syria, at Iraq; at sa Group D ay Lebanon, Saudi Arabia, India, at Qatar—ang magiging host ng FIBA World Cup 2027.
Ang format ng torneo ay home-and-away games sa loob ng bawat grupo. Ang top 3 teams mula sa bawat grupo ay uusad sa second round kung saan makakaharap nila ang top teams mula sa kabilang grupo. Kritikal ang bawat laban dahil limitado lang ang slots para sa Asia sa nalalapit na World Cup.
Muling tatangkain ng Gilas na makapasok sa FIBA World Cup para sa ikaapat na sunod na pagkakataon, mula nang sila ay makapasok noong 2019. Sa kasalukuyan, nasa World No. 34 ang ranggo ng Pilipinas sa FIBA rankings.
Ang FIBA World Cup 2027 Qualifying Tournament ay isasagawa sa anim na “windows.” Ang unang window ay mula November 24 hanggang December 2, 2025; ang pangalawa ay February 23 – March 3, 2026; ikatlong window ay June 29 – July 7, 2026; ikaapat ay August 24 – September 1, 2026; ikalima ay November 23 – December 1, 2026; at ang ikaanim at huli ay February 22 – March 2, 2027. Sabay na gaganapin ang mga ito sa iba’t ibang rehiyon tulad ng FIBA Africa, Americas, at Europe.
Wala pang opisyal na pangalan na inilalabas ang pamunuan ng Gilas Pilipinas tungkol sa magiging miyembro ng koponan para sa qualifiers. Sa ngayon, naka-focus pa ang national team sa nalalapit na FIBA Asia Cup 2025 sa Jeddah, Saudi Arabia ngayong Agosto, at sa SEA Games 2025 sa Bangkok, Thailand ngayong Disyembre.



































