Itinuturing na simbolo ng tagumpay ng mga anti-mining advocates sa Sibuyan Island ang pagkakapanalo ni Nanding Marin bilang bagong alkalde ng bayan ng San Fernando, Romblon sa katatapos na Halalan 2025.
Pormal na siyang naiproklama ng Municipal Board of Canvassers noong Mayo 13, matapos talunin ang dating alkalde na si Salem Tansingco.
Si Marin ay isang kilalang environmental advocate sa Sibuyan na unang nakilala sa isang insidente noong Pebrero 2023, kung saan humarang siya sa isang truck ng Altai Mining Corporation sa kasagsagan ng tensyon sa Sitio Bato, Barangay España.
Sa panayam ng Romblon News Network, iginiit ni Marin na mananatiling matatag ang kaniyang paninindigan laban sa pagmimina sa San Fernando.
Aniya, palalakasin niya ang mga umiiral na mining moratorium sa mga barangay, at isusulong ang pagpapalawig ng mga ito mula 25 taon patungong 50 taon. Bukod dito, plano rin niyang itulak ang pagpasa ng isang municipal-wide mining moratorium sa tulong ng Sangguniang Bayan.
Baguhan sa larangan ng politika, si Marin ay sinuportahan ng mga makakalikasan at lokal na grupo sa Sibuyan na matagal nang tumututol sa operasyon ng pagmimina sa isla, na kilala bilang “Galápagos of Asia” dahil sa natatangi nitong biodiversity.


































