Arestado ang isang lalaki na suspek sa pagnanakaw sa isang convenience store sa Sitio Mangga, Barangay Taclobo, San Fernando, matapos ang follow-up operations ng pulisya noong Oktubre 31.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-11:23 ng gabi noong Oktubre 30, ngunit madaling-araw kinabukasan lamang ito nadiskubre ng may-ari.
Ayon sa pulisya, pinasok umano ng suspek ang tindahan matapos sirain ang bahagi ng yero sa gilid ng entrance. Nakuha umano nito ang ₱3,150 mula sa kaha bago tumakas.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis sa lugar at sinuri ang CCTV footage. Sa pamamagitan ng follow-up operations, natukoy at nadakip ang hinihinalang suspek sa Sitio Cantinggas, Barangay Taclobo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong robbery sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri ni Romblon Police Provincial Office Provincial Director PCOL Rexton Sawi ang mga operatiba ng San Fernando MPS sa mabilis na pagtugon at pag-aresto sa suspek.


























