Inilunsad ngayong ika-2 ng Marso sa probinsya ng Romblon ang programang ‘Lawyers to the Benepisyaryo' ng Department of Agrarian Reform (DAR) Mimaropa na naglalayong mas marinig ang hinaing at problema ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Mismong si DAR Secretary Bernie Cruz ang sumaksi sa paglulunsad ng nasabing programa sa rehiyon.
Sa mensahe ni DAR Mimaropa Regional Director Atty. Marvin Bernal, sinabi nitong napansin ng mga opisina ng DAR sa probinsya na nahihirapan ang mga ARBs na pumunta sa mga opisina ng DAR para humingi ng legal advicses sa kanilang mga lupa kaya binuo nila ang programang ‘Lawyers to the Benepisyaryo' para umano mismong ang grupo na ng mga lawyers ng ahensya ang tutungo sa mga ARBs para pakinggan ang kanilang hinaing at problema.
“Tinipon-tipon namin ang mga lawyers sa buong Mimaropa upang magbigay ng suhestiyong legal sa mga ARBOs [agrarian reform beneficiaries’ organizations]. Pumupunta po ang ating mga abogado malapit sa inyong mga bahay para hindi na po kayo pumunta sa mga Provincial Offices para maiwasan na rin ‘yung pagkalat ng sakit na Covid-19,” pahayag ni Atty. Bernal.
Sa bayan ng San Andres unang naging benepisyaryo ng programa ang mga miyembro ng Agrarian Reform Cooperative of Agpudlos, Marinorte Farmers Association, at JMP Farmers Association.
Ilan sa mga problemang kanilang idinulog ay ang problema sa sukat sa lupa, problema sa tamang coordinate ng mga mohon, at iba pa.
Ang paglulunsad ng ‘Lawyers to the Benepisyaryo' ay isinabay sa mga pamamahagi ng DAR ng mga sasakyan at fertilizer sa mga ARBOs sa nabanggit na bayan.

























