Hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na tiyaking may kaukulang safety certification ang mga Christmas lights at iba pang dekorasyong de-kuryente bago bilhin upang maiwasan ang sunog, aksidente at iba pang panganib ngayong kapaskuhan.
Sa isang panayam, pinaalalahanan ni Marites Cuevas, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI Occidental Mindoro, ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga produktong maaaring magdulot ng panganib kapag depektibo o walang sertipikasyon.
Ayon kay Cuevas, nagsasagawa ang DTI ng monitoring sa mga Christmas lights at dekorasyong ibinebenta sa mga lokal na establisimyento upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan sa kaligtasan at kalidad.
Pinayuhan ang mga mamimili na tingnan ang mga kinakailangang product certification mark bago bumili ng mga produktong saklaw ng regulasyon ng ahensya.
Dapat may Philippine Standard (PS) mark ang mga produktong lokal na gawa, habang kailangang may Import Commodity Clearance (ICC) sticker naman ang mga imported na produkto.
Makikita sa PS mark ang license number ng manufacturer. Samantala, ang ICC sticker ay may holographic design, license number at QR code na maaaring gamitin upang beripikahin ang sertipikasyon ng produkto.
Nagpaalala rin ang DTI na maging maingat sa pagbili at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic products. Hinimok ang publiko na sundin ang mga tagubilin sa kaligtasan upang maiwasan ang mga pinsala at aksidente sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Bukod sa kaligtasan ng mga produkto, pinayuhan din ang mga mamimili na magplano ng kanilang pamimili, maghanda ng listahan ng mga bibilhin at iwasan ang pagmamadali o pagbili sa huling minuto.
Hinikayat din silang maghambing ng presyo, gumastos nang naaayon sa kanilang kakayahan at alamin ang kanilang mga karapatan at responsibilidad bilang mga mamimili.
Layunin ng mga paalala na matiyak na ligtas, matalino at responsable ang pamimili ng mga pamilya ngayong holiday season.


























