Limang indibidwal ang inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos umanong mahuling nagsasagawa ng illegal fishing gamit ang air compressor bilang underwater breathing apparatus sa karagatang sakop ng Barangay Silum, Magdiwang, Romblon noong September 23, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Magdiwang sa koordinasyon ng CGSS Cajidiocan matapos makatanggap ng ulat hinggil sa ilegal na pangingisda sa naturang lugar.
Pagdating sa lugar, namataan ng operating team ang isang motorized banca na may limang sakay na umano’y nagsasagawa ng pangingisda. Sa isinagawang paglapit at inspeksyon, nakita umano ng mga tauhan ng PCG na gumagamit ang mga ito ng compressed air habang nangingisda.
Ayon sa PCG, paglabag ito sa Municipal Fishery Ordinance No. 2, Series of 1998, Section 6, Paragraph N, na nagbabawal sa paggamit ng compressed air sa pangingisda.
Ipinaalam sa mga naaresto ang umano’y paglabag at ipinaalam din sa kanila ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.
Nakumpiska ng PCG ang motorized banca, mga kagamitan sa pangingisda at tinatayang isang kilo ng iba’t ibang uri ng isda, na may kabuuang tinatayang halaga na ₱106,000.
Dinala sa CGSS Magdiwang ang limang indibidwal kasama ang nakumpiskang bangka, fishing equipment at huli para sa kaukulang dokumentasyon at inventory.
Pansamantalang nasa kustodiya ng PCG ang mga nakumpiskang kagamitan habang kinukumpleto ang mga kinakailangang proseso at inihahanda ang turnover sa Municipal Agriculture Office (MAO) ng Magdiwang para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy naman ang Philippine Coast Guard sa pagpapatupad ng mga batas pangisdaan at lokal na ordinansa upang maprotektahan ang yamang-dagat at kabuhayan ng mga lehitimong mangingisda.



































Discussion about this post