Rerepasuhin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga pinakahuling fare adjustment ng mga ferry operator na nagseserbisyo sa Romblon at iba pang island provinces matapos ireklamo ng mga pasahero ang sunod-sunod na pagtaas ng pasahe.
Binigyang-diin ni MARINA Region IV Director Maximo Bañares Jr. na ang fare adjustment na pinapayagan ng ahensya ay hindi dapat lumampas sa 10 porsiyento.
“Ginagawa na po ng aming isang section yung pag-review po doon sa mga increase at aabisuhan po namin sila ‘pag sobra po yung ginawa po nilang pagtaas,” ani Bañares sa panayam sa DZMM Teleradyo.
Ayon kay Bañares, rerepasuhin ng MARINA ang mga ipinatupad na fare increase at aabisuhan ang mga ferry operator kung mapatutunayang lumampas ang kanilang naging dagdag-pasahe sa pinapayagang limitasyon.
Kabilang sa mga shipping company na nagpatupad ng pinakahuling fare adjustments ang Montenegro Shipping Lines, Starlite Ferries, Starhorse Shipping Lines, Archipelago Philippine Ferries Corporation at Island Water, na nagseserbisyo sa mga ruta sa Mindoro, Romblon, Marinduque at iba pang bahagi ng Visayas.
Hindi isinapubliko ng mga shipping company ang eksaktong porsyento ng kanilang pinakahuling fare increase. Gayunman, ayon sa mga source sa industriya na humiling na manatiling anonymous, nasa 18% hanggang 20% umano ang naging adjustments kasunod ng pagtaas ng presyo ng fuel na umabot sa mahigit ₱100 kada litro.
Ipinapaalala ng MARINA na may itinakdang ceiling sa fare adjustments sa ilalim ng umiiral na mga regulasyon at kinakailangang sumunod dito ang mga ferry operator.
Naging sunod-sunod ang fare adjustments mula March at April ngayong taon kasunod ng pagtaas ng presyo ng fuel, na iniugnay sa epekto ng kaguluhan sa Middle East.
Para sa mga biyahero sa Romblon, mahalaga ang usapin ng pasahe dahil pangunahing paraan ng transportasyon ang mga pampasaherong barko para sa paglalakbay sa pagitan ng mga isla at mainland, gayundin sa paggalaw ng mga produkto at iba pang pangunahing pangangailangan.
Samantala, binigyang-diin din ng MARINA na dapat awtomatikong ibalik o i-roll back ng mga ferry operator ang kanilang pasahe kapag bumaba na ang presyo ng petroleum products.
Patuloy namang isinasagawa ng MARINA ang pagsusuri sa mga fare adjustment upang matiyak na sumusunod ang mga shipping operator sa itinakdang regulasyon.


























Discussion about this post