Naisama sa opisyal na Gilas Pilipinas pool ang Romblomanong si Cedrick Manzano, fresh mula sa kaniyang makulay na UAAP campaign kasama ang Adamson Soaring Falcons.
Isa ang 22-anyos na big man mula Danao, Cajidiocan, Romblon sa bagong idinagdag na mga pangalan na may malaking posibilidad na tuluyang mapabilang sa final roster ng National Team para sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand.
Kasabay ni Manzano na tumanggap ng call-up ay ang Blackwater Bossing rookie guard na si Dalph Panopio, na naging mahalagang bahagi rin ng youth pipeline ng Philippine basketball. Ang kanilang pagpasok sa pool ay nakikita bilang tugon sa mga naunang ulat na hindi papayagan ng Thailand ang paggamit ng naturalized players sa SEA Games basketball competition, base sa inilabas na guidelines. Dahil dito, kinakailangan ng Gilas na palakasin ang lineup gamit ang purong homegrown talents.
Kung tuluyang mapapabilang sa National Team, si Cedrick Manzano ang magiging kauna-unahang Sibuyanon na makakapaglaro para sa Gilas Pilipinas sa anumang major tournament. Magiging malaking karangalan ito hindi lamang para sa kaniyang bayan kundi para sa buong lalawigan ng Romblon, lalo’t magsisilbi itong rookie season niya sa pambansang koponan.
Sa ngayon, inaabangan ng basketball community ang magiging final selection ng Gilas at kung paano bibigyan ng pagkakataon ang mga bagong pangalan tulad nina Manzano at Panopio sa paparating na international campaign. Ang opisyal na lineup ay inaasahang ilalabas sa mga susunod na linggo.



































