Naiposte ng Gilas Pilipinas ang isang malinis na 2-0 sweep kontra Guam sa kanilang home-and-away series para sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa unang laro noong November 28, 2025 sa University of Guam Calvo Fieldhouse, dominado ng Gilas ang bakbakan at tinapos ito sa iskor na 87–46. Pagdating sa ikalawang laban noong December 1, 2025 sa Blue Eagle Gym sa Ateneo de Manila University, muling namayani ang pambansang koponan sa pamamagitan ng 95–71 na panalo.
Nanguna sa dalawang panalo ng Gilas si Justin Brownlee, habang nag-ambag din ng malalaking puntos at depensa sina Dwight Ramos, Kevin Quiambao, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, at Chris Newsome para sa balanseng opensa ng koponan. Sa panig ng Guam, si Jericho Cruz ang nagsilbing pangunahing sandigan at nakatulong sa kanya sina Jonathan Galloway at Takumi Simon.
Kasama ang Gilas at Guam sa Group A, katapat ang mga powerhouse na Australia at New Zealand. Tulad ng Pilipinas, na-sweep din ng Australia ang New Zealand sa kanilang sariling home-and-away series, 84–79 sa unang laro at 79–77 sa ikalawa. Dahil dito, parehong nasa tuktok ng standings ang Gilas at Australia na may kartadang 2-0, habang parehong 0-2 naman ang New Zealand at Guam.
Ang susunod na laban ng Gilas sa qualifiers ay parehong gaganapin sa MOA Arena sa Pasay City—kontra New Zealand sa February 26, 2026, at laban naman sa Australia sa March 1, 2026.
Samantala, sa ibang grupo ay nagpakitang-gilas din ang iba pang mga koponan. Sa Group B, naka-sweep ang Japan at South Korea, matapos talunin ng Japan ang Chinese Taipei, 90–64 at 80–73; habang winalis naman ng South Korea ang China, 80–76 at 90–76.
Sa Group C, parehong wagi via sweep ang Jordan at Iran. Pinabagsak ng Jordan ang Syria sa iskor na 74–59 at 100–48, habang tinalo naman ng Iran ang Iraq, 94–68 at 86–71.
Sa Group D, na-sweep din ng Saudi Arabia ang India, 75–51 at 81–57. Naghatian naman ng panalo ang Qatar at Lebanon—panalo ang Lebanon sa unang laro, 75–74, ngunit bumawi ang Qatar sa ikalawang pagtutuos, 86–83.
Patuloy na inaabangan ang mas matitinding laro sa mga susunod na windows, lalo’t unti-unti nang lumilinaw ang mga posibleng hahakot ng tiket papunta sa 2027 FIBA World Cup.



































