Itinanggi ng Malacañang bilang ganap na kasinungalingan ang mga pahayag ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, isa sa mga pangunahing personalidad na idinadawit sa kontrobersiya ng korupsiyon sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura.
Binigyang-diin ng Palasyo na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mismo ang nagpasimula ng imbestigasyon sa naturang korupsiyon na nagresulta sa pagsasampa ng mga kasong kriminal, paglalabas ng mga freeze order sa ari-arian, at pagpapatupad ng mga reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“These wild accusations are completely without basis in fact. All the charges leveled against the President are pure hearsay,” sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez sa isang news conference nitong Biyernes.
“Let us not forget President Marcos Jr. himself exposed all these flood control anomalies and has taken numerous steps since to ensure that the guilty are brought to justice, the stolen wealth recovered, and the system is fixed to avoid any of this from happening again,” dagdag ni Gomez.
Hinamon ni Gomez si Co na umuwi sa Pilipinas upang harapin ang imbestigasyon at panumpaan ang kanyang mga pahayag sa harap ng kinauukulang awtoridad para sa tunay na pananagutan.
Sa parehong news conference, pinabulaanan din ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang alegasyon ni Co na nag-utos diumano ang Pangulo ng “insertions” sa 2025 national budget sa panahon ng bicameral conference committee.
Ipinaliwanag ni Pangandaman na wala nang direktang papel ang Pangulo sa proseso ng badyet matapos isumite ng Malacañang sa Senado at Kamara ang National Expenditure Program (NEP). Magkahiwalay na tatalakayin ng dalawang Kapulungan ang panukalang badyet bago ito pag-isahin sa bicam at ibalik sa Malacañang para sa pinal na pag-apruba.
“All appropriations ordered by the President are already in the National Expenditure Progeam. That is why it is called the President's budget. So we reject any insinuations about it, ” ayon kay Pangandaman.
Diin pa ng Kalihim na ang bicam ay nasa kapangyarihan ng lehislatura. Sinabi niya na sinusunod ng Executive Branch nang mahigpit ang proseso ng badyet at lahat ng aksyon nito ay nasa ayos.
Dagdag pa niya, tumalima ang Office of the President at Executive Branch sa itinatadhana ng Konstitusyon—ang pagbuo ng NEP, pagsusumite nito sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang State of the Nation Address, at pagtalakay ng panukalang badyet sa mga pampublikong pagdinig.
“Pagkatapos po nun, magde-deliberate na po sila. Wala na pong role ang Office of the President, ang Executive, sa bicam,” paliwanag ni Pangandaman.
Samantala, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagtatangkang ilihis ni Co ang sisi matapos siyang madawit sa umano’y pagtanggap ng malalaking kickback batay sa ebidensya at sa kanyang kahina-hinalang marangyang pamumuhay.
“Dahil lumiliit na ang mundo ni Zaldy Co, kailangan niyang iiwas ang sarili at mag name-drop kahit walang katibayan at laway lang ang puhunan. Para masagip ang sarili sa paratang ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at palabasing siya ang biktima, magtatagpi siya ng maling kuwento laban sa ibang tao,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin pa ng Palace Press Officer na si Pangulong Marcos mismo ang unang nagbunyag ng anomalya sa mga flood control project sa kanyang Ika-apat na SONA noong Hulyo 28 at siya rin ang bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang ituloy ang imbestigasyon.
“Bakit niya pasisimulan ang malalimang pag-iimbestiga, mag-establish ng ICI to investigate the anomalous flood control projects and other infrastructure kung ang Pangulo ay may kinalaman rito? Logic. Hindi ba dapat ba iniiwasan niya ang issue na ito kung siya mismo ang mapapaso?” ani Castro.
“Malinaw ang mga pangyayari: papalapit na tayo sa katotohanan kaya’t pilit itong ililihis upang makaiwas ang tunay na mga may sala sa katarungan,” dagdag niya.




































Discussion about this post