Isang lineman ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) ang nasawi matapos makuryente habang nagsasagawa ng trabaho sa isang poste ng kuryente sa San Agustin, Romblon nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 14. Ito na ang ikatlong insidente ng pagkakakuryente ng linemen sa Tablas Island sa loob lamang ng tatlong buwan.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, ang biktima na kinilalang si alyas Carlo, 40 anyos, residente ng Barangay Libertad, Odiongan, ay nagsasagawa ng pagkukumpuni sa linya ng kuryente nang aksidente umano niyang mahawakan ang isang live wire.
Agad na ibinaba ang biktima mula sa poste at dinala sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Noong nakaraang buwan, isa ring lineman ng TIELCO ang nasawi matapos makuryente habang nagtatrabaho sa Calatrava. Noong Setyembre, dalawang lineman naman ang isinugod sa ospital matapos makuryente sa isa pang insidente sa San Agustin.
Wala pang pahayag ang TIELCO sa ngayon.



































