Nag-intensify na bilang tropical storm ang binabantayang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at ngayon ay may international name na Fung-Wong, ayon sa PAGASA.
Kumikilos ang bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 km/h, habang ang lakas ng hangin nito ay umaabot sa strong to gale-force winds na may lawak na hanggang 550 kilometro mula sa sentro.
Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang paggalaw nito pa-hilagang kanluran hanggang Biyernes bago ito kumurba pa-kanluran-hilagang kanluran sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyang track, inaasahang papasok sa PAR si Fung-Wong sa Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling araw. Pagpasok nito sa bansa, tatawagin na itong Bagyong Uwan.
Inaasahan ding lalakas pa ang bagyo, kung saan posible itong maging typhoon pagsapit ng Biyernes at umabot sa super typhoon category pagdating ng Sabado.
Sa patuloy na paggalaw ng bagyo, tumataas ang posibilidad na mag-landfall ito sa Northern o Central Luzon sa Lunes, at posibleng nasa peak intensity habang papalapit o tumatama sa lupa.




































Discussion about this post