Nakaalerto na ang mga lokal na pamahalaan (LGU) sa buong lalawigan ng Romblon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong #TinoPH, na patuloy na lumalapit sa bansa. Ngayong alas-5 ng hapon, November 3, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal #2 sa bayan ng San Jose, Alcantara, Santa Fe, at Looc, habang Tropical Cyclone Wind Signal #1 naman ang nakataas sa natitirang bahagi ng Romblon.
Sa bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island, nagsimula nang magpatupad ng Operation Bandilo ang mga barangay, isang tradisyunal na paraan ng pagbibigay-abiso gamit ang megaphone upang ipaalam sa mga residente ang paparating na bagyo at paalalahanan silang maghanda.
Sa bayan naman ng San Jose, nanawagan si Vice Mayor Argel Fortunato sa mga residente na huwag nang hintayin lumala ang panahon bago kumilos. Hinikayat niya ang mga mamamayan na mag-evacuate nang maaga kung kinakailangan, putulin ang mga punong maaaring makapinsala, at tiyaking ligtas at matibay ang kanilang mga tahanan.
Bilang paghahanda, naghanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ng 23,563 Family Food Packs (FFPs) na nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa lalawigan.
Ayon kay SWAD Team Leader Abegail Fetilo, ang mga food packs, na naglalaman ng bigas, de-lata, kape, at iba pang pangunahing pangangailangan, ay inilagay sa mga estratehikong lokasyon upang madaling maipamahagi sa mga apektadong pamilya sa oras na manalasa ang bagyo.
Dagdag pa ni Fetilo, nakaantabay na rin ang mga quick response team ng DSWD at nakipag-ugnayan na sa mga lokal na tanggapan ng social welfare upang tumulong sa relief operations, pamamahala ng evacuation centers, at pagbibigay ng psychosocial support kung kinakailangan.
































