Pansamantalang ihihinto ang kasalukuyang PBA 50th Philippine Cup upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas, na muling sasabak sa FIBA World Cup Asia Qualifying Tournament.
Makakatapat ng national team ang Guam sa kanilang home-and-away series sa Nobyembre 28, 2025, sa Calvo Fieldhouse sa University of Guam, at sa Disyembre 1, 2025, sa Blue Eagle Gym sa Ateneo de Manila University.
Inanunsyo na ni Gilas Head Coach Tim Cone ang 18-man pool, na siyang pagpipilian para sa final 12-man roster. Kabilang sa listahan sina Japeth Aguilar, RJ Abarrientos, Justin Brownlee, AJ Edu, Junemar Fajardo, Juan Gomez de Liaño, Ange Kouame, Jamie Malonzo, Quentin Mora-Brown, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Troy Rosario, Kai Sotto, Carl Tamayo, at Scottie Thompson.
Samantala, para sa Guam, kumpirmadong muling maglalaro ang San Miguel Beermen guard Jericho Cruz, na nagpahayag na gagawin niya ang lahat upang mabigyan ng magandang laban ang Gilas, lalo na ang kanyang mga SMB teammates na sina Junemar Fajardo at CJ Perez.
Pagkatapos ng home-and-away games kontra Guam, nakatakdang harapin ng Gilas ang New Zealand sa Pebrero 27, 2026, ang Australia sa Marso 2, 2026, ang New Zealand muli sa Hulyo 4, 2026, at isa pang laban kontra Australia sa Hulyo 7, 2026, bilang pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa qualifiers.



































