Humiling ng dagdag pasahe ang mga miyembro ng Romblon Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa Romblon, Romblon, sa isinagawang public hearing kamakailan, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga piyesa ng sasakyan.
Dalawang opsyon para sa dagdag-singil ang tinalakay sa pagdinig, ngunit parehong nakatuon sa ₱20 base rate mula sa dating ₱15 minimum fare na nakasaad sa Ordinance No. 05, series of 2021.
Sa panukala, may dalawang alternatibong dagdag na singil: ₱1.25 kada kilometro o ₱1 kada kilometro matapos ang unang sakop ng biyahe.
Halimbawa, kung ipapatupad ang Option A (₱20 + ₱1.25/km), ang pamasahe mula bayan papuntang Barangay Sawang (9 km) ay magiging ₱30 para sa regular na pasahero at ₱24 para sa discounted passengers.
Samantalang sa Option B (₱20 + ₱1/km), ang parehong biyahe ay aabot sa ₱28 para sa regular at ₱22.40 para sa may diskwento.
Sa kahilingan sa Sangguniang Bayan, iginiit ng TODA na ang hirit na taas-pasahe ay dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, spare parts at accessories, na nagdulot ng kakulangan sa kita ng mga tsuper upang tustusan ang pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.
Samantala, binigyang-diin ni SB Hannah Fontilar na kailangang ipaskil at sundin nang tama ang opisyal na fare matrix upang maiwasan ang overcharging.
Kabilang sa mga reklamo sa hearing ang umano’y sobra-sobrang paniningil sa ilang ruta, gaya ng ₱30 pamasahe sa senior citizens sa Brgy. Tambac kahit ₱19.20 lamang ang dapat, at ₱50 pamasahe sa Brgy. Sablayan kahit ₱33 lang ang nakasaad sa matrix.
Ayon kay Fontilar, layunin ng Sangguniang Bayan na balansihin ang interes ng mga drayber at ng mga pasahero, kaya’t kailangan aniyang maayos na ipatupad ang anumang magiging bagong fare rate.
Napansin naman ng Romblon News Network sa pagdinig na walang opisyal na kinatawan mula sa mga estudyante, manggagawa o regular na pasahero na nakadalo upang maipahayag ang kanilang panig hinggil sa panukalang dagdag-pasahe.
Discussion about this post