Tumaas ng 6.3 porsyento ang ekonomiya ng lalawigan ng Romblon noong 2024, na pangunahing pinasigla ng patuloy na pag-angat ng mga sektor ng serbisyo at industriya, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa Provincial Product Accounts (PPA) na inilabas ng PSA Romblon Provincial Statistical Office, umakyat ang gross domestic product (GDP) ng lalawigan sa ₱33.06 bilyon mula sa ₱31.11 bilyon noong 2023 at ₱29.02 bilyon noong 2022.
Ipinresenta ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, ang nasabing ulat kung saan binigyang-diin niya ang patuloy na pagbangon ng lalawigan sa tatlong pangunahing industriya na nagtala ng pinakamabilis na paglago — construction (15.3 percent), professional and business services (14.7 percent), at transportation and storage (14.7 percent).
Sa lahat ng industriya, ang nangyayaring bentahan ng motorsiklo ang may pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng Romblon, na bumubuo sa 25.5 percent ng kabuuang GDP.
Sinundan ito ng agriculture, forestry, and fishing (AFF) na may 15.0 percent, at construction na may 14.0 percent.
Sa antas ng rehiyon, iniulat ng PSA na sa MIMAROPA, bumaba ng 5.3% ang sektor ng AFF.
Sa kabila nito, Marinduque ang nagtala ng pinakamabilis na paglago sa sektor na ito (9.5 percent), habang Romblon ay nakapagtala ng bahagyang pagtaas na 0.2 percent.
Nakapag-ambag ang Romblon ng 7.0 percent sa kabuuang output ng AFF sa rehiyon, habang Palawan pa rin ang may pinakamalaking bahagi (45.9 percent). Para sa sektor ng industriya, nag-ambag ang Romblon ng 5.7 percent sa kabuuang GDP ng rehiyon. Samantala, sa serbisyo, nagtala ang Romblon ng 9.2 percent.
Ang Provincial Product Accounts (PPA) ay nagsisilbing lokal na sukatan ng economic performance ng mga lalawigan, na nagbibigay-daan sa mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga tagaplano na makabuo ng mga patakaran at programang nakabatay sa datos at ebidensya.



































