Mabibili na ng mga residente sa Alcantara, Romblon ang tig-₱20 kada kilo na bigas mula sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng Department of Agriculture (DA) at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos itong ilunsad sa bayan noong Oktubre 23, 2025.
Katuwang ng pamahalaang nasyonal sa implementasyon ng programa ang Lokal na Pamahalaan ng Alcantara at ang Longon-Camili Agrarian Reform Cooperative, na nagsilbing distributor ng bigas mula sa DA sa lalawigan.
Ayon kay Roque Galang, Vice Chairman ng kooperatiba, malaking pribilehiyo para sa kanilang grupo na maging bahagi ng programang naglalayong tulungan ang mga pamilyang kabilang sa vulnerable sectors ng lipunan. Dagdag pa ni Galang, 300 sako ng bigas na may tig-50 kilo bawat isa ang paunang ipinadala ng DA sa bayan para ipagbili sa mga residente.
Dinaluhan ng mga opisyal mula sa DA MIMAROPA, Provincial Government ng Romblon, at Local Government ng Alcantara ang pormal na paglulunsad ng programa. Ang Alcantara ang kauna-unahang bayan sa Romblon na nakapagpatupad ng “Benteng Bigas” program.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo, kabilang ang mga senior citizens, PWDs, solo parents, at 4Ps beneficiaries, na unang nakabili ng murang bigas.
Ayon kay Daisy Marquina, isang senior citizen, malaking tulong umano ang programa lalo na sa mga pamilyang walang sariling palayan.
“Sampung kilo pa lang ang nabili ko, pero makakain na namin ito ng ilang araw. Salamat kay Pangulong Bongbong Marcos dahil inabot niya dito sa Romblon ang programa,” ani Marquina.
Ganito rin ang pahayag ni Tita Mariño, isa ring residente ng Alcantara.
“Malaking tulong po sa aming mga mahihirap, kaya nagpapasalamat ako kay PBBM kasi nakakatulong talaga sa amin,” aniya.
Dagdag naman ni Judy Galicha, isa sa mga unang benepisyaryo, malaking ginhawa ang tig-₱20 kada kilo na bigas sa mga pamilyang kapos sa kita.
“Makakatikim na kami ng tig-benteng bigas. Malaking tulong talaga kasi mahal ang bigas sa merkado,” sabi niya.
Ayon sa DA MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, patunay ng tagumpay ng programa ang patuloy na pagtangkilik ng mga mamamayan sa MIMAROPA, kung saan may 15 regular sites na nagbebenta ng tig-₱20 na bigas, dagdag pa ang bagong site sa Romblon.
Mula nang ilunsad ang programa, umabot na sa 700 tonelada ng bigas ang naibenta sa halos 42,000 tahanan sa buong rehiyon.




































Discussion about this post