Nakatanggap ng kani-kanilang leg prosthesis ang 43 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Romblon at Odiongan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isinagawa ang pamamahagi noong Setyembre 30 at Oktubre 2, 2025, bilang bahagi ng patuloy na programa ng ahensya para sa mga persons with disability (PWD) upang matulungan silang makapamuhay nang mas maginhawa at maging produktibo sa kanilang mga komunidad.
Sa kabuuang bilang, walong (8) benepisyaryo ang mula sa bayan ng Romblon, habang tatlumpu’t lima (35) naman ay mula sa Odiongan. Ang aktibidad ay isinagawa sa tulong ng PBF Prosthesis and Brace Center sa pangunguna ni Fernando Santos, katuwang si Mark Anthony Mercurio, Disability Affairs Officer ng LGU Romblon.
Ang mga prosthesis ay ibinigay sa ilalim ng referral ng National Council on Disability Affairs sa DSWD, na layuning suportahan ang mga PWD na makabangon at muling makapagsagawa ng mga gawaing pang-araw-araw.
Dumalo rin sa programa sina Konsehal Hanna Fontilar, bilang kinatawan ng LGU Romblon, at Dr. Ramer Ramos mula sa Provincial Government upang saksihan at magbigay-suporta sa inisyatibong ito para sa mga kababayang may kapansanan.
Ayon sa DSWD, magpapatuloy pa ang pamimigay ng prosthesis sa iba pang mga bayan sa lalawigan sa susunod na mga buwan, bilang bahagi ng kanilang mga assistance program.
Discussion about this post