Layong mas palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa buong bansa, inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang programang YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program na nagbibigay ng libreng konsultasyon, diagnostic tests, at access sa mga pangunahing gamot para sa mga miyembro at kanilang dependents.
Ang YAKAP ay bahagi ng pinalawak na Primary Care Benefit Package na naglalayong mas mapaabot ang serbisyong medikal sa mga komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar.
Ayon sa PhilHealth, sakop ng YAKAP ang mas malawak na serbisyong medikal, kabilang ang iba’t ibang laboratory at diagnostic tests gaya ng complete blood count na may platelet count, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, glycosylated hemoglobin (HbA1c), creatinine testing, chest X-ray, sputum microscopy, electrocardiogram (ECG), urinalysis, pap smear, fecalysis, at fecal occult blood tests. Para naman sa cancer screening, kabilang dito ang mammogram, breast ultrasound, low-dose chest CT scan, alpha-fetoprotein testing, liver ultrasound, at colonoscopy.
Bukod sa mga diagnostic services, tiniyak din ng PhilHealth na may access ang mga miyembro sa 54 na essential outpatient medicines nang walang bayad.
Nakapaloob din sa plano ng ahensya na palawakin pa ito tungo sa 75 gamot pagsapit ng 2026, upang mas mapalawak ang saklaw ng benepisyo para sa mga karaniwang karamdaman.
Sa lalawigan ng Romblon, mayroong 23 health providers na kinilala bilang bahagi ng YAKAP program.
Kabilang dito ang Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Mabini District Hospital sa Corcuera, San Agustin District Hospital sa San Agustin, Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Romblon, Sibuyan District Hospital sa Cajidiocan, San Jose District Hospital, Tablas Island District Hospital sa Odiongan at ang extension nito sa San Andres. Kasama rin ang Alegria Medical Laboratory sa Odiongan, Alcantara RHU, Banton RHU, Cajidiocan RHU, Magdiwang RHU, Odiongan RHU, Doña Juanita Madrigal Chanco Health Center RHU sa bayan ng Romblon, San Agustin RHU, San Andres RHU, San Fernando RHU, at Santa Fe RHU. Bahagi rin ng listahan ang Feranulco Medical Clinic at Isiah Medical Clinic & Diagnostic Center na matatagpuan din sa Looc.
Inaasahan ng PhilHealth na sa pamamagitan ng YAKAP ay mababawasan ang gastusin ng bawat pamilyang Pilipino sa kalusugan at mas mapapadali ang kanilang pag-access sa serbisyong medikal.
Hinimok din ng mga lokal na opisyal ang mga miyembro ng PhilHealth sa Romblon na magparehistro at makipag-ugnayan sa kanilang napiling health provider upang lubos na mapakinabangan ang mga benepisyo ng programa.
Discussion about this post