Ipagpapaliban muna ang deliberasyon sa petisyon ng Asian Terminals Inc. (ATI) na taasan ang passenger terminal fee sa Batangas Port mula P30 patungong P100, ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Sa kanyang live phone patch kay Board Member Marion Marcos, chairperson ng Committee on Transportation, Communication, Public Information and Mass Media, sinabi ni Dolor na napagkasunduan nila nina Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na pansamantalang itigil ang pagtalakay sa panukala habang pinag-aaralan pa ito.
Ayon kay Dolor, hindi napapanahon ang pagtataas ng terminal fee lalo na’t kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity ang Oriental Mindoro bunsod ng sunod-sunod na kalamidad.
Ang pagdinig ay isinagawa bilang tugon sa liham ni Gob. Dolor sa Sangguniang Panlalawigan. Pinangunahan ni Vice Governor Jojo Perez ang pagdinig, katuwang ang Committee on Laws sa pamumuno ni Board Member Atty. Roland Ruga.
Samantala, pinuri ni FPJ Partylist Congressman Brian Poe Llamanzares si DOTr Secretary Vince Dizon sa agarang utos nito sa PPA na ipagpaliban muna ang panukalang dagdag-singil sa terminal fee.
Matatandaang inihain ng ATI ang panukala upang taasan ang pasahe bunsod ng kanilang P1.5 bilyong investment sa modernisasyon ng pasilidad sa Batangas Port. Ngunit ayon sa mga lokal na opisyal, maaapektuhan nito ang mga ordinaryong pasahero gaya ng mga estudyante, mangingisda, at magsasaka.



































