Magpapatupad ng pagbabago ang mga digital wallet na GCash at Maya simula ngayong Sabado matapos utusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na putulin ang koneksyon sa mga online gambling platforms.
Sa magkahiwalay na anunsyo, ipinaliwanag ng dalawang kumpanya kung paano maaaring ma-withdraw ng kanilang mga customer ang natitirang pondo mula sa mga gaming account bago tuluyang isara ang koneksyon.
Para sa mga gumagamit ng Maya, maaari nang i-transfer pabalik sa kanilang Maya Wallet ang anumang natitirang balanse mula sa mga naka-link na gaming account.
“Lagi naming pangangalagaan ang aming mga customer at titiyakin na walang abala sa pagbibigay ng lahat ng aming serbisyong pinansyal. Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga regulator at kasamahan sa industriya upang mapanatili ang pinakamataas na antas ng proteksyon,” ayon sa Maya.
Ayon sa BSP, ang utos ay ipinatupad upang matugunan ang mga reklamo at isyung may kaugnayan sa online gambling, na tinalakay rin sa isang pagdinig sa Senado kamakailan.































 
					




