Namahagi ng 120 desktop computer sets ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang Business Process Outsourcing (BPO) company na Concentrix Philippines sa 12 piling paaralan sa lalawigan ng Romblon bilang bahagi ng kanilang programa para palakasin ang digital literacy ng mga mag-aaral.
Ayon kay Schools Division Superintendent Roger Capa, ang pamamahagi ay isinagawa kamakailan at bahagi ng “Gadgets for Good” program ng Concentrix Philippines, na layuning tugunan ang digital divide sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan sa mga underserved na komunidad.
Sinabi ni Capa na ang 120 yunit ng computers para sa Romblon ay bahagi lamang ng kabuuang 450 yunit na ipinamamahagi sa buong rehiyon ng MIMAROPA. Ayon sa ulat, 190 na unit ang napunta sa lalawigan ng Marinduque habang 100 naman ang ibinigay sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Nagpasalamat si Capa sa DICT, Concentrix Philippines, at kay Congressman Eleandro Madrona na naging daan para maihatid ang mga kagamitan sa lalawigan.
“Malaking tulong ang mga kagamitang ito upang mapaunlad ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto sa ating mga paaralan, lalo na sa aspeto ng digital literacy at ICT integration sa klase,” ayon kay Capa.
Discussion about this post