Nakuha ng Charlotte Hornets ang kanilang kauna-unahang kampeonato sa kasaysayan ng NBA Summer League matapos talunin ang Sacramento Kings sa iskor na 83–78 sa finals na ginanap noong July 21, 2025.
Ang NBA Summer League, na nagsimula noong 2002, ay taunang torneo na nagbibigay ng pagkakataon sa mga young prospects na maipakita ang kanilang kakayahan at makakuha ng regular na kontrata sa NBA. Sa taong ito, pinangunahan ng 4th overall pick na si Kon Knueppel mula sa Duke University ang Hornets matapos makapagtala ng 21 points. Tumulong din si Ryan Kalkbrenner, second-round pick mula Creighton University, na may 15 puntos.
Sa panig ng Kings, nanguna si Isaac Jones na may 24 points at 11 rebounds. Sumuporta rin sina Devin Carter at Nique Clifford, ang 24th overall pick ngayong taon, na kapwa may 10 puntos.
Maaga pa lang sa 2nd quarter ay lumamang na ang Hornets, 36–18, ngunit unti-unting nakabawi ang Kings sa huling bahagi ng laro. Ang naging turning point ay ang crucial three-point shot ni Knueppel sa natitirang 31 segundo na nagtulak sa Hornets sa panalo.
Tinapos ng Hornets ang torneo na may perpektong 6–0 na kartada, habang nagtapos naman ang Kings sa 5–1. Dahil sa pagkapanalo, umaasa ang Charlotte franchise na madadala nila ang momentum na ito sa darating na 2025–2026 NBA regular season sa Oktubre. Itinanghal na Most Valuable Player ng Summer League si Kon Knueppel.
Sa kasalukuyan, abala pa rin ang lahat ng 30 NBA teams sa paghahanda at pagbuo ng kani-kanilang lineups para sa bagong season.



































