Nagkampeon ang San Miguel Beermen sa katatapos lamang na PBA Philippine Cup 49th season matapos nilang talunin ang Talk ‘N Text Tropang 5G sa best-of-seven championship series, 4–2. Naganap ang mga laro sa Smart Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena, at PhilSports Arena mula July 13 hanggang July 25, 2025.
Sa buong serye, malinaw na mas kompleto at mas healthy ang lineup ng San Miguel kumpara sa TNT na dumaan sa maraming injury problems. Pinangunahan ng walong beses na PBA MVP na si Junemar Fajardo ang Beermen, kasama ang mga beteranong sina Chris Ross, Marcio Lassiter, CJ Perez, at Don Trollano. Gayunpaman, ang naging tunay na difference maker ay si Jericho Cruz, na itinanghal na Finals MVP ng PBA Press Corps matapos mag-average ng 13 puntos, 2 rebounds, at 3 assists, bukod pa sa kanyang mga intangible contributions at energy sa court. Si Junemar Fajardo naman ang itinanghal na Best Player of the Conference.
Sa anim na laban ng serye, tanging ang Game 5 lamang ang lubos na kinontrol ng TNT kung saan mula simula hanggang dulo ay sila ang nagdikta ng laro. Nanguna sa larong ito si Almond Vosotros, ang tinaguriang “magic bunot” ni Coach Chot Reyes. Sa Game 1, nagkaroon ng kontrobersyal na desisyon nang i-nullify ang slam dunk ni Mo Tautuaa 51 segundo bago matapos ang laro. Una itong na-count ngunit binawi matapos ang late review na ginawa ng PBA Technical Committee may 7 segundo na lang ang natitira, dahilan upang tuluyang mapunta ang panalo sa TNT sa iskor na 99–96.
Ang Games 2, 3, 4, at 6 naman ay dominado ng San Miguel kung saan ipinakita nila ang kanilang pagiging mas organisado at disiplinado sa loob ng court. Sa Game 6, tinapos ng Beermen ang serye sa pamamagitan ng 107–96 na panalo.
Sa pagkapanalong ito, nadagdagan na ng 11 All-Filipino titles ang Beermen at 30 championships overall sa kasaysayan ng kanilang prangkisa. Isa ring highlight ng tagumpay na ito ay ang muling pagpigil ng San Miguel sa Grand Slam bid ng TNT. Matatandaan na noong 2011, sa panahon ng Petron Blaze Boosters, ay sila rin ang sumira sa Grand Slam hopes ng TNT.
Bagama’t hindi nakuha ang inaasam na Grand Slam at pagiging ikaapat na team sa kasaysayan ng PBA na makakagawa nito—sumunod sa mga koponang Crispa (1976, 1983), San Miguel Beer (1989), at San Mig Coffee Mixers (2014)—ipinahayag ni Coach Chot Reyes ang kanyang pasasalamat at pagmamalaki sa kanyang koponan. Ayon sa kanya, malapit na nilang maabot ang pinakacoveted na titulo.
Samantala, sinabi ni Manny V. Pangilinan, big boss ng TNT, na wala na siyang mahihiling pa sa kanyang team dahil ibinigay na ng mga ito ang lahat. Tiniyak din niya sa mga TNT fans na muling susubukan ng kanilang koponan na makamit ang Grand Slam sa susunod na season. Lumaban ang TNT sa finals nang wala ang kanilang leader na si Jayson Castro, energy guy na si Rey Nambatac, at may mga injury pa ang ilan gaya nina JP Erram at RR Pogoy.
Narito ang naging mga score ng bawat laro sa finals series:
- Game 1: TNT 99 – SMB 96
- Game 2: SMB 98 – TNT 92
- Game 3: SMB 108 – TNT 88
- Game 4: SMB 105 – TNT 91
- Game 5: TNT 86 – SMB 78
- Game 6: SMB 107 – TNT 96



































