Nagkampeon ang Oklahoma City Thunder sa katatapos na season ng NBA matapos nilang talunin ang Indiana Pacers sa isang matinding best-of-7 championship series na umabot hanggang Game 7. Tangan ang homecourt advantage at bilang number 1 seed ng buong regular season at playoffs, tinapos ng OKC ang serye sa iskor na 4–3. Bagaman maraming nagsabing llamado ang Thunder, pinatunayan ng Pacers na karapat-dapat silang nasa Finals sa ipinakita nilang laban.
Sa Game 1 ng series, napaka-dramatiko ng naging panalo ng Indiana Pacers. Lumamang na ng 15 puntos ang OKC sa 4th quarter pero nagawang makahabol ng Pacers. Ang naging turning point ay ang 21-foot pull-up jumper ni Tyrese Haliburton na naipasok niya may 0.3 segundo na lamang sa orasan, kaya nakuha ng Pacers ang panalo 111–110 at ang 1–0 na abante sa series. Nanguna para sa Pacers si Pascal Siakam na may 19 puntos, kasunod sina Obi Toppin (17), Myles Turner (15), at sina Haliburton at Andrew Nembhard na may tig-14. Pinangunahan naman ni Shai Gilgeous-Alexander ang OKC na may 38 puntos, kasama ang 17 ni Jalen Williams at 15 kay Lu Dort.
Sa Game 2, bumawi ang OKC Thunder at pinakita kung bakit sila ang top team ng liga. Nanalo sila 123–107 at itinabla ang series sa 1–1. Muli, nanguna si SGA para sa Thunder na may 34 puntos, 8 rebounds, at 5 assists. Nag-ambag din si Alex Caruso ng 20 puntos at si Jalen Williams ng 19. Sa Indiana, pinangunahan sila ni Haliburton na may 17 puntos, Myles Turner na may 16, at Siakam na may 15. Sa larong ito, hindi man lang nakaabante ang Pacers.
Sa Game 3 sa home court ng Indiana, muling lumamang ang Pacers sa series. Sa tulong ng sabay-sabay na ambag ng kanilang bench, nakuha nila ang panalo 116–107. Si Benedict Mathurin ang nanguna na may game-high 27 puntos, sinundan nina TJ McConnell (10) at Obi Toppin (8), habang sina Haliburton at Siakam ay may 22 at 21 puntos. Sa OKC, nanguna si Jalen Williams na may 26 puntos, si SGA na may 24, at si Chet Holmgren na may 20.
Sa Game 4, naitabla muli ng OKC ang series sa 2–2 matapos nilang talunin ang Pacers 111–104. Si SGA ay umiskor ng game-high 35 puntos, kasama ang 27 ni Jalen Williams at 20 off the bench mula kay Alex Caruso. Sa larong ito, binura ng OKC ang 10 puntos na kalamangan ng Indiana sa second half. Labinlima sa 35 puntos ni SGA ay naitala niya sa huling apat na minuto ng 4th quarter para tiyakin ang panalo. Nanguna para sa Pacers si Siakam na may 20 puntos at Haliburton na may 18.
Sa Game 5, ipinagpatuloy ng Thunder ang kanilang momentum at kinuha ang abante sa series 3–2 matapos ang 120–109 na panalo. Total dominance ang ipinakita ng OKC sa malaking bahagi ng laro. Nagtala si Jalen Williams ng career playoff-high 40 puntos at si SGA ay may 31 puntos. Nakalamang sila ng 18 puntos sa 4th quarter ngunit naibaba ito ng Pacers hanggang 2 puntos bago muling nakabawi ang OKC. Nanguna para sa Indiana si Siakam na may 28 puntos at si TJ McConnell na may 18.
Sa Game 6, napigilan ng Indiana ang championship celebration ng OKC sa kanilang home court sa pamamagitan ng 108–91 na panalo para maipwersa ang Game 7. Si Obi Toppin ay umiskor ng 20 puntos, si Andrew Nembhard ng 17, si Siakam ay may 16 puntos at 13 rebounds, at si Haliburton ay nagdagdag ng 14 puntos kahit na may calf injury.
Sa Game 7, naging punong-puno ng tensyon at pressure ang simula ng laro, ngunit tuluyang na-injure si Tyrese Haliburton sa unang anim na minuto ng 1st quarter at hindi na nakabalik. Bagaman nagawa pang makadikit ng Pacers sa unang bahagi, unti-unti nang lumitaw ang kakulangan nila habang tumatagal ang laban. Tinapos ng OKC ang laro sa iskor na 103–91 at tuluyang sinelyuhan ang kanilang kauna-unahang NBA title sa franchise history.
Ito ang unang NBA Championship ng Thunder, na huling nakarating sa NBA Finals noong 2011–2012 season. Itinanghal na NBA MVP si Shai Gilgeous-Alexander ngayong season, at nakuha rin niya ang NBA Finals MVP Trophy. Ito ang unang beses na may nag-MVP ng regular season, Finals MVP, at nagkampeon sa parehong taon mula noong ginawa ito ni LeBron James noong 2011–2012. Samantala, ito ang pangalawang pagkakataon na umabot sa NBA Finals ang Indiana Pacers, ang una ay noong taong 2000.




































