Maghaharap sa isang best-of-seven championship series ang Oklahoma City Thunder laban sa Indiana Pacers para sa kampeonato ng National Basketball Association (NBA) ngayong taon. Ito ay matapos nilang tanghaling kampeon sa kani-kanilang conferences — ang Indiana bilang kampeon ng Eastern Conference at ang Oklahoma City bilang kampeon ng Western Conference.
Para sa Indiana Pacers, nakapasok sila sa playoffs bilang No. 4 seed ng Eastern Conference taglay ang 50-32 win-loss record matapos ang regular season. Sa unang round ng playoffs, nakaharap nila ang Milwaukee Bucks at tinalo ito sa iskor na 4–1. Sunod nilang sinagupa ang Cleveland Cavaliers at pinadapa rin sa parehong iskor na 4–1. Sa Eastern Conference Finals, matagumpay nilang nilampaso ang New York Knicks sa iskor na 4–2 upang tuluyang makapasok sa NBA Finals. Ito ang pangalawang pagkakataon na makarating ang Indiana Pacers sa NBA Finals, ang una ay noong taong 2000 pa. Itinanghal na Eastern Conference Finals MVP si Pascal Siakam.
Samantala, ang Oklahoma City Thunder ay pumasok sa playoffs bilang No. 1 seed sa buong liga matapos magtala ng league-best na 68-14 win-loss record sa regular season. Sa unang round, dinomina nila ang Memphis Grizzlies sa pamamagitan ng 4–0 sweep. Sa second round, nakaharap nila ang reigning champion Denver Nuggets sa isang matinding bakbakan na nagtapos sa 4–3 pabor sa Thunder. Sa Western Conference Finals, sinelyuhan nila ang panalo kontra Minnesota Timberwolves sa iskor na 4–1. Ito rin ang kanilang ikalawang beses na makapasok sa NBA Finals; huling nagawa ito noong 2013. Kinilala si Shai Gilgeous-Alexander bilang Western Conference Finals MVP.
Magiging sentro ng laban ang mga pangunahing manlalaro ng bawat koponan. Para sa Pacers, aasahan ang kontribusyon nina Tyrese Haliburton, Pascal Siakam, Myles Turner, at Aaron Nesmith, pati na rin ang kanilang physical style of play. Para naman sa OKC Thunder, aasahan ang leadership at scoring ni Shai Gilgeous-Alexander kasama sina Alex Caruso, Jalen Williams, at ang twin tower combination nina Chet Holmgren at Isaiah Hartenstein.
Narito ang kumpletong iskedyul ng NBA Finals 2025:
- Game 1: June 6, 8:30 AM – Paycom Center, Oklahoma City
- Game 2: June 9, 8:00 AM – Paycom Center, Oklahoma City
- Game 3: June 12, 8:30 AM – Gainbridge Fieldhouse, Indiana
- Game 4: June 14, 8:30 AM – Gainbridge Fieldhouse, Indiana
- Game 5: June 17, 8:30 AM – Paycom Center, Oklahoma City (if necessary)
- Game 6: June 20, 8:30 AM – Gainbridge Fieldhouse, Indiana (if necessary)
- Game 7: June 23, 8:00 AM – Paycom Center, Oklahoma City (if necessary)
Abangan kung sino sa dalawang kupunan ang tatanghaling bagong kampeon ng NBA ngayong 2025.



































