Arestado ang isang 18-anyos na binata matapos mahuling nanloloob sa isang bahay sa Barangay Agutay nitong gabi ng Hunyo 6.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Archie,” na umano’y naabutang nasa loob ng bahay ng isang negosyante habang wala ang mga residente.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, kagagaling lamang ng pamilya ng biktima sa simbahan nang mapansin ng isa sa mga anak na kakaiba ang pagkakalock ng main door knob ng kanilang tahanan. Dahil dito, agad silang humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang siyasatin ang bahay.
Naabutan umano nila si Archie sa loob ng kusina, at agad nilang ipinaalam sa mga awtoridad ang insidente. Nang kapkapan ng mga rumespondeng pulis, nakuha mula sa bulsa ng suspek ang halagang P11,600 na cash na hinihinalang mula sa bahay ng biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na lumusot ang suspek sa maliit na butas sa pagitan ng bubong at pader upang makapasok sa loob ng bahay.
Kasong robbery ang isasampa laban kay Archie na kasalukuyang nakakulong sa Magdiwang Municipal Police Station.



































