Patuloy ang pagpapalakas ng serbisyong medikal sa lalawigan ng Romblon sa ilalim ng pamumuno ni Governor Jose “Otik” Riano, sa kabila ng kinakaharap na mga hamon gaya ng limitadong pondo.
Ayon sa Facebook post ng gobernador, patuloy ang kanyang pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng mga Romblomanon sa larangan ng kalusugan. Kabilang sa mga inisyatiba ang pagdagdag ng mga bagong medical specialists, nurses, pharmacists, midwives, at iba pang healthcare workers na ipinakalat sa mga ospital at health centers ng lalawigan.
Dagdag pa ni Gov. Riano, hindi lamang ang mga pangunahing ospital ang pinalalakas kundi pati na rin ang mga infirmary hospitals sa mga malalayong bayan. Layunin nitong tiyakin na ang serbisyong medikal ay maabot ng bawat residente, saan mang isla sila naninirahan.
Sa pamamagitan ng mga bagong healthcare personnel, inaasahang mas magiging mabilis at episyente ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo medikal sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na commitment ni Gov. Riano na paunlarin ang mga pangunahing serbisyo para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.
Discussion about this post