Inihayag ni Senador Lito Lapid na muli niyang isusulong ang Agricultural Pension Fund Act o Senate Bill No. 1230 sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso upang mabigyan ng pensyon ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa isang panayam kahapon sa lalawigan ng Batangas, binigyang-diin ni Lapid ang kahalagahan ng pagbibigay ng proteksyon at suporta sa mga nasa sektor ng agrikultura na aniya’y isa sa mga pinaka-napapabayaan.
Sinuyod ng senador ang mga palengke sa Batangas at Quezon — mga lalawigang kilala sa mga produktong agrikultural gaya ng palay, niyog, isda, at prutas. Isinabay din niya ang isang motorcade sa ilang bayan kung saan mainit siyang sinalubong ng mga residente.
Layon ng panukala na itaguyod ang seguridad at kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pagtanda, bilang pagkilala sa kanilang ambag sa pagkain at kabuhayan ng bansa.