Tinututulan ng mga electric cooperatives ang plano ng National Power Corporation (NPC) na muling itaas ang presyo ng Subsidized Approved Generation Rate of SAGR nito sa off-grid areas kagaya ng Romblon.
Sa ginanap na press conference nitong April 3, sinabi ni ROMELCO General Manager, Engr. Rene Fajilagutan, na Pangulo rin ng Association of Isolated Electric Cooperatives na malaki ang magiging epekto ng pagtaas sa mga consumers ng kuryente sa off-grid islands kung pahihintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang petisyon. Aniya, hindi rin nakakabangon pa ang mga negosyo mula sa epekto ng pandemya.
“Tinututulan namin ito dahil labag ito sa layunin ng EPIRA na pababain ang presyo ng kuryente sa bansa, bukod pa sa walang matibay na basehan ang petisyon ng NPC,” pahayag ni Fajilagutan.
Base sa petisyon ng NPC, dagdagan ang taripa sa SAGR nang hindi nang hindi bababa sa P2.9578/kWh para sa residential at Php 4.4084/kWh sa commercial/industrial customers.
Kung titingnan ang kasalukuyang SAGR na P7.3900/kWh na sinisnigil ngayong Abril, madagdagan muli ito ng P1.2082/kWh hanggang P2.6588/kWh ang mga consumers para maabot ang presyong hiling ng NPC.
Dagdag ni Fajilagutan, hindi kasalanan ng mga consumers kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng kuryente sa off-grid kundi ito ay pagkukulang ng pamahalaan.
Dahilan ng NPC sa pagtaas ng presyo ay ang mataas na presyo ng diesel, lumaking requirements para sa UCME subsidy, habang sa kabilang banda naman ay lumago ang eknomiya sa mga isla at tumaas ang purchasing power ng mga tao.
Nanawagan ang AIEC na sa halip na direktang kunin sa SPUG areas, sa UCME na lamang ito ipataw dahil dalawang sentimo/kwh lamang ang epekto nito sa lahat kumpara sa P1-P4/kWh sa bawat customer sa off-grid areas.
Nakatakdang magsagawa ng expository hearing ang ERC kaugnay sa petisyong ito. Sa April 5 ay gagawin ang para sa ROMELCO at TIELCO, at nakahanay na rin ang para sa Mindoro, Palawan, at maging sa Mindanao.