Pormal nang sinimulan ang LGU Olympics 2026 noong Nobyembre 3 sa D'Dome, Poblacion, San Agustin, Romblon, na nilahukan ng 183 kalahok mula sa 16 na tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga kalahok ang mga halal na opisyal, regular employees at Job Order (JO) personnel na hinati sa apat na koponan na hango sa sikat na Harry Potter series—Gryffindor, Slytherin, Ravenclaw at Hufflepuff.
Kinakatawan ng bawat koponan ang magkakaibang katangian gaya ng tapang, katapatan, karunungan at determinasyon, na nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga kalahok.
Tampok sa palaro ang mga kompetisyon sa volleyball, 3×3 basketball, badminton, pickleball at table tennis, gayundin ang mga board game tulad ng Scrabble at Word Factory.
Layunin ng aktibidad na itaguyod ang physical fitness, teamwork, camaraderie at sportsmanship sa hanay ng mga opisyal at empleyado ng munisipyo.
Naiiba ang edisyon ngayong taon dahil sa temang Four Houses na hango sa Harry Potter, na nagbigay ng bagong konsepto sa taunang palaro. Bukod sa kompetisyon, layunin din nitong palakasin ang samahan ng mga kawani mula sa iba't ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Patuloy pa ang mga paligsahan sa oras ng pagsulat ng ulat, at wala pang inaanunsyong petsa para sa pagtatapos ng aktibidad.


























