“Malayo na ang ating narating, pero mas malayo pa at mas mataas pa ang pwede nating abutin.”
Ito ang bungad na mensahe ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic nang siya ay magbigay ng kanyang talumpati kasabay ng kanyang panunumpa bilang reelected Mayor ng bayan.
Sa kanyang talumpati, inisa-isa ng alkalde ang mga plano ng lokal na pamahalaan ng Odiongan para sa susunod na taon para masigurong uunlad pa lalo ang Odiongan.
Dalawa sa mga una nitong tutukan ay ang lalong pagsasaayos at pagpapatibay sa katayuan sa lokal na pamahalaan ng Odiongan at ang pagkakaroon ng Economic at Support programs.
Tutukan rin nito ang mga health programs ng Rural Health Unit lalo na ngayong bukas na sa publiko ang bagong gusali ng RHU.
“Ngayong bukas na ang ating bagong Rural Health Center, siya po ay magiging birthing facility para sa ating mga Nanay. Magkakaroon tayo ng Cite Center, Women’s Health Center, Mental Health Center, Youth Sexual Health, Rehab and Physical Therapy Center,” pahayag ng alkalde.
Sinabi rin ng alkalde na kanilang tutukan ang pagkakaroon ng Drainage and Sewerage Master plan na kailangan ng bayan.
Kasabay nito ay ang pagpapaganda at pagsasaayos sa daloy ng trapiko sa bayan.
Ang highlight sa naging talumpati ng alkalde ay ang pagsisimula sa konstruksyon ng Odiongan Goverment Center na itatayo sa Barangay Dapawan.
“[Ang tutuunan natin ng pansin] ang ating Odiongan Government Center. Isang once-stop-shop ng mga ahensya ng gobyerno at opisina ng munisipyo para mapadali ang mga transaksyon ng ating mga mamayan,” ayon sa alkalde.
Inaasahang sa susunod na buwan ay magkakaroon na ng ground breaking ceremony sa lugar na patatayuan ng gusali.
“Kapag ito ay nasagawa na within the next 2-3 years, mag-expand na po ang ating city center, kaya mas lalong bibilis ang ating pag-unlad,” ayon sa alkalde.
Nangako rin ang alkalde na magkakaroon ng marami pang development sa mga barangay.
Magtatayo rin at bubuo ang LGU ng Youth Community Centers at Libraries, Municipal Cultural and Historical Office, at Pasalubong Centers, Emergency Response Units.
Mas palalawakin rin ng LGU Odiongan ang mga programa para sa mga kooperatiba at mga organisasyon, programa para sa mga kabataan, farmers, fisherfolks, women, PWDs, senior citizens at solo parents.
Panghuling mensahe ng alkalde, ang mga nasabing programa ay magagawa lamang sa tulong ng publiko.
“A leader is only as good as her community. Kung kasama ko kayo, walang imposible. Makakaasa po kayo, na sa aking huling termino bilang Mayor, aking susumikapan, mas sisipagan, at ibubuhos ko ang serbisyo para sa pag-unlad ng bayan at ng mga Odionganon,” pahayag ng alklade.