Alinsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC), inanunsyo ng Tablas Island Electric Cooperative, Inc (TIELCO) na magbibigay sila ng palugit para sa kanilang electric bill ngayong buwan ng Marso.
Dahil parin ito sa umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon na inaasahang matatapos pa sa darating na April 14.
Sa opisyal na pahayag ni Engr. Orville Ferranco na ipinadala sa PIA-Romblon, ang mga miyembro ng TIELCO ay bibigyan ng 30-araw na palugit para sa mga bayarin ng kuryente ng walang sisingiling multa at interes.
“Ang ‘disconnection’ ng mga ‘electric bills’ na hindi mabayaran ay ipatutupad pagkatapos ng 30-araw na palugit,” ayon kay Engr. Ferranco.
Aniya, ang opisina ng TIELCO sa bayan ng Odiongan ay mananatiling bukas simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon tuwing araw ng opisina para sa mga nais magbayad at sa iba pang pangangailangan ng mga konsumedores.
Bagamat nagbibigay ng palugit, hinihikayat parin ni Engr. Ferranco ang mga may kakayahang magbayad na magbayad sa tamang oras.
“Bilang isang pribadong ‘non-stock’ at ‘non profit’ na kooperatiba, nais po naming hilingin sa ating konsumedores na may kakayahang magbayad na kung maari ay magbayad kayo sa tamang oras para po patuloy na makapag serbisyo ng maayos ang inyong kooperatiba at kailangan natin obserbahan ang social distancing,” ayon sa pahayag ni Engr. Ferranco. (PJF/PIA-Mimaropa)