Muling pinaalalahanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Romblon ang publiko na ipinatutupad ng ahensya ang batas na nagbabawal sa pagbibilad ng palay at iba pang agrikulturang produkto sa mga kalsada na itinuturing na national highway lalo pa umano’t katatapos lang ang anihan.
Ayon kay Alden Alag, Road Right-of-Way agent ng DPWH-Romblon, mahigpit itong ipinagbabawal base sa Presidential Decree No. 17 o Philippine Highway Act of 1953.
Sinasabi ng batas na posible maharap sa parusa na hanggang anim na buwang pagkabilanggo at P1,000 piyansa ang sino mang mapapatunayang lumabag rito.
“Batay kasi rito, bawal magpatuyo ng palay sa mga pangunahing kalsada para maiwas sa aksidente ang ating mga motorista. Bawal na bawal po na gawing ‘solar dryer’ ang kalsada, kasi nga obstruction yan. Pwedeng kunin namin yan!” ayon kay Alag nang ito ay dumalo sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong ika-23 ng Disyembre.
Sinabi ni Alag na ang paghihigpit na ginagawa ng kanilang ahensya ay alinsunod rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noon sa kanyang State on the Nation Adress (SONA) na linisin mula sa obstruction ang lahat ng kalsada sa buong bansa.