Nagtakda ng bagong farmgate prices para sa mga buhay na baboy ang lokal na pamahalaan ng Looc sa pamamagitan ng Executive Order No. 048, Series of 2026, upang magkaroon ng patas at malinaw na batayan sa bentahan ng mga alagang baboy sa lokal na merkado.
Nilagdaan ni Mayor Atty. Lisette Arboleda ang kautusan kasunod ng rekomendasyon ng Municipal Swine Industry Council (MSIC) sa kanilang pagpupulong noong Nobyembre 12, 2026, sa Looc Municipal Function Hall.
Sa ilalim ng bagong presyo, itinakda sa ₱170 kada kilo ang farmgate price ng mga barrow at gilt na may timbang na 60 hanggang 69 kilo; ₱175 kada kilo para sa 70 hanggang 79 kilo; at ₱180 kada kilo para sa mga baboy na may timbang na 80 kilo pataas.
Samantala, itinakda naman sa ₱130 kada kilo ang presyo para sa mga castrated boar at culled sow, habang ₱200 kada kilo ang presyo ng lechonin na may timbang na mas mababa sa 40 kilo.
Bahagi rin ng mga napagkasunduan ng MSIC ang pansamantalang pagbibigay ng libreng barangay certification para sa pagbebenta ng baboy hanggang Disyembre 31, 2026.
Upang makinabang dito, kailangang mairehistro ng mga hog raiser sa kani-kanilang barangay ang kanilang mga alagang baboy bago matapos ang Nobyembre 2026.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ibinatay ang mga bagong presyo sa kasalukuyang kalagayan ng merkado, gastos sa produksyon, at kapakanan ng mga lokal na magbababoy at negosyante.
Layunin ng kautusan na mapangalagaan ang kabuhayan ng mga lokal na hog raiser at maisulong ang patas at malinaw na transaksyon sa industriya ng paghahayupan sa bayan.


























