Humingi ng opisyal na paglilinaw ang Pamahalaang Bayan ng Cajidiocan sa Department of Energy (DOE) hinggil sa agarang pagpapatupad ng oil price rollback, upang matiyak na mapoprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili at maliliit na negosyante ng produktong petrolyo sa bayan.
Sa liham na ipinadala kay DOE Secretary Sharon Garin noong Nobyembre 10, 2026, inilahad ni Mayor Marvin Ramos ang pangamba ng lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng agarang pagpapababa ng presyo ng gasolina at diesel sa mga independent gas station.
Ayon sa LGU, posibleng nakabili na ang ilang lokal na gasolinahan ng kanilang kasalukuyang imbentaryo sa mas mataas na presyo bago inanunsyo ang rollback. Dahil dito, maaaring malugi ang mga negosyanteng magbebenta ng kanilang natitirang produkto sa mas mababang presyo kahit binili nila ito sa dating halaga.
Kabilang sa mga nais linawin ng munisipalidad kung mandatoryo ang agarang pagpapatupad ng rollback, kung may umiiral na patakaran para sa mga produktong nabili sa mas mataas na presyo, at kung maaaring magtakda ng adjustment period para sa maliliit na retailer.
Humingi rin si Ramos ng gabay kung paano dapat tugunan ng lokal na pamahalaan ang mga reklamo ng mga mamimili at gasolinahan nang hindi lumalampas sa kapangyarihan at hurisdiksyon nito.
Binigyang-diin ng LGU na mahalaga ang malinaw at patas na patakaran dahil malaki ang epekto ng presyo ng petrolyo sa pang-araw-araw na pamumuhay sa isang bayan gaya ng Cajidiocan.
Umaasa ang alkalde na makapagbibigay ang DOE ng kaukulang direktiba o advisory upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng oil price rollback habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili at maliliit na negosyante. (RCS/PJF)
























