Tatlong aso lamang ang inilalagay sa bawat kulungan at dalawang beses sa isang araw pinapakain ang mga ito habang nasa pansamantalang kustodiya ng Barangay Pinamihagan sa San Jose, Romblon, ayon kay Barangay Captain Theodoro Zacarias.
Ito ang ilan sa mga kondisyong ipinatutupad ng barangay sa pangangalaga sa mga asong nahuhuli sa kanilang lugar, kasunod ng panawagan ng isang residente na tiyakin ang sapat na pagkain, malinis na tubig at ligtas na masisilungan para sa mga nakumpiskang hayop.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Mariaberie Hatud ang kaniyang pagkabahala sa kalagayan ng mga aso. Ayon sa kaniya, nais sana niyang pansamantalang kupkupin ang mga ito sa kaniyang tahanan, ngunit naipadala na umano ang mga aso sa Barangay Combot.
Bilang tugon, sinabi ni Zacarias na limitado ang pasilidad ng barangay dahil wala silang malaking animal shelter. Dahil dito, tatlong aso lamang ang inilalagay sa bawat kulungan.
Tumatagal umano ng tatlo hanggang limang araw ang mga aso sa kustodiya ng barangay bago ilipat sa bayan ng San Jose. May nakalaan din umanong pondo para sa kanilang pagkain at pinapakain ang mga ito dalawang beses kada araw.
Nilinaw ng kapitan na mahina na umano ang kondisyon ng mga aso nang mahuli ang mga ito noong Biyernes, habang ang video na kumakalat sa social media ay kuha noong Sabado.
Ayon pa kay Zacarias, nasa loob ng covered court inilagay ang mga aso kaya hindi umano direktang naarawan o nainitan ang mga ito.
Wala umanong rehistro ang mga nahuhuling aso, ngunit itinatala o ibinoblotter ang mga ito sa barangay upang madaling matukoy ang kanilang mga may-ari sakaling may mag-claim.
Ipinaliwanag din ng kapitan na bahagi ng layunin ng paghuli sa mga asong malayang gumagala ang pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan sa komunidad. Kabilang sa mga problemang tinukoy niya ang mga dumi ng aso sa mga kalsada at mga aksidenteng iniuugnay sa mga asong walang bantay.
Hinimok naman ni Zacarias ang mga residente na magtulungan sa pagtugon sa problema ng mga asong pakalat-kalat sa halip na magturuan at magsisihan, upang maiwasan ang mga posibleng aksidente at mapangalagaan ang kapakanan ng komunidad.

























