Itinalaga bilang bagong Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson ng Barangay Poblacion, San Jose, Romblon si Frank Lawrence A. Tesnado kasunod ng pagbibitiw sa puwesto ng dating SK Chairperson na si Mary Grace Montano.
Ayon sa impormasyong ibinahagi, nagpasya si Montano na magbitiw upang ipagpatuloy ang kaniyang hangaring maging guro. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang substitute teacher sa isang paaralan sa bayan habang naghihintay ng pagkakataong mabigyan ng appointment bilang guro.
Bago italaga sa bagong tungkulin, nagsilbi muna si Tesnado bilang SK Kagawad sa barangay.
Inaasahang ipagpapatuloy niya ang mga programa at proyekto ng Sangguniang Kabataan na nakatuon sa kapakanan at pagpapaunlad ng mga kabataan sa Barangay Poblacion.
Sa kaniyang panunungkulan, inaasahang bibigyang-pansin din ang mga inisyatibang magbibigay ng mas maraming oportunidad at makabuluhang partisipasyon sa mga kabataan sa komunidad.


























