Sumailalim sa Entrepreneurial Development Training ang 15 lokal na negosyante sa bayan ng San Andres upang mapahusay ang kanilang kaalaman sa wastong pamamahala at pagpapaunlad ng kani-kanilang negosyo.
Isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon sa pamamagitan ng Negosyo Center San Andres ang pagsasanay noong Nobyembre 10, 2026, sa LGU Conference Room sa Barangay Poblacion.
Kabilang sa mga lumahok ang mga negosyanteng mula sa iba't ibang sektor, gaya ng turismo, retail, consumer goods, motor shop at ready-to-wear (RTW).
Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang aspeto ng pagpapatakbo ng negosyo, kabilang ang bookkeeping, pricing and costing, supply and demand, negotiation, marketing, customer service, basic recordkeeping at cash flow management.
Sa pamamagitan ng mga talakayan at praktikal na gawain, nabigyan ang mga kalahok ng karagdagang kaalaman sa wastong pagtatala ng kita at gastusin, tamang pagtatakda ng presyo ng mga produkto, at epektibong pakikipagnegosasyon sa mga mamimili at supplier.
Mahalaga ang mga kasanayang ito upang matulungan ang mga negosyante na masubaybayan ang kalagayang pinansyal ng kanilang negosyo, makontrol ang mga gastusin at makagawa ng mas angkop na desisyon sa pagpapatakbo nito.
Layunin ng programa na mapalakas ang kakayahan ng mga micro entrepreneurs, mapabuti ang operasyon ng kanilang mga negosyo at makabuo ng mas maayos na estratehiya para sa pangmatagalang paglago.
Nagpasalamat naman ang DTI-Negosyo Center San Andres sa lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan sa pagsasagawa ng aktibidad, gayundin sa mga negosyanteng aktibong nakilahok sa pagsasanay.

























