Hiniling ng isang residente sa mga opisyal ng Barangay Pinamihagan sa San Jose, Romblon na tiyakin ang maayos na pangangalaga sa mga asong nakumpiska ng barangay, kabilang ang pagbibigay ng sapat na pagkain, malinis na tubig at ligtas na masisilungan.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Mariaberie Hatud ang kaniyang pagkabahala sa kalagayan ng mga nakumpiskang aso. Hinikayat din niya ang mga may-ari na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop at, kung maaari, kunin ang mga ito sa pinagdalhang lugar.
Hiniling niya din sa mga kinauukulan na alamin at tiyakin ang kondisyon ng mga aso sa kanilang kasalukuyang kinalalagyan upang matiyak na hindi sila nakararanas ng pang-aabuso, kapabayaan o iba pang uri ng paghihirap.
Binigyang-diin ni Hatud na ang kaniyang panawagan ay nakabatay sa malasakit sa kapakanan ng mga hayop. Hiniling din niyang panagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga batas na nagpoprotekta sa mga hayop.


























