Nagsagawa ang Department of Tourism-MIMAROPA ng tatlong araw na Hotel Operations 101 Training sa bayan ng San Agustin upang mapahusay ang kaalaman at kasanayan ng mga hotel owners, managers, at tourism workers sa Romblon.
Isinagawa ang pagsasanay noong Nobyembre 4 hanggang 6 sa FAAS Lofts sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin sa pamamagitan ng Tourism, Culture and the Arts Office.
Tinalakay sa training ang mahahalagang aspeto ng pagpapatakbo ng hotel, kabilang ang front office management, housekeeping, guest services, at pagharap sa mahihirap na sitwasyon sa pakikitungo sa mga bisita.
Kasama rin sa mga paksa ang mga bagong pamamaraan sa pamamahala at pagbibigay-serbisyo upang mapahusay ang karanasan ng mga turistang nananatili sa mga hotel at iba pang accommodation establishments.
Ito ang ikalima at huling tourism training program para sa 2026 na sinuportahan ni Congressman Eleandro Jesus F. Madrona, katuwang ang DOT-MIMAROPA at mga lokal na pamahalaan.
Batay sa post ng opisyal na Facebook page ng Uswag San Agustin, umabot sa ₱2,248,580 ang kabuuang pondong inilaan ni Madrona para sa limang tourism training programs ngayong taon.
Layunin ng pagsasanay na mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na hotel personnel sa pagpapatakbo ng kanilang mga establisimyento at paghahatid ng maayos na serbisyo sa mga bisita sa Romblon.


























