Kabilang ang lalawigan ng Romblon sa 306 lokal na pamahalaan sa bansa na nakatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga lugar na sinalanta ng kalamidad mula 2024 hanggang 2026.
Sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP), naglaan ang pamahalaan ng kabuuang ₱8.6 bilyon para suportahan ang pagbangon ng mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng mga sakuna.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mahigit ₱6 bilyon na sa naturang pondo ang naipamahagi, habang inaprubahan na rin ang karagdagang ₱2.5 bilyon na kasalukuyang ipinadadala sa mga lokal na pamahalaan.
Sa seremonya ng turnover ng pondo sa Malacañan Palace nitong Nobyembre 5, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mapabilis ang rehabilitasyon at maihatid ang kinakailangang tulong sa mga komunidad.
Maaaring gamitin ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga pabahay, kalsada, tulay, pampublikong gusali, evacuation facilities, paaralan at pasilidad pangkalusugan, gayundin sa mga programa para sa agrikultura, pangisdaan at social protection.
Hinimok din ni Marcos ang mga lokal na opisyal na magsumite ng kumpleto at napapanahong ulat tungkol sa epekto ng mga kalamidad sa kanilang nasasakupan upang matukoy ang mga pangangailangan at maipagkaloob ang angkop na tulong.
Binigyang-diin ng Pangulo na dapat tiyaking mapupunta sa mga mamamayang nasalanta ang pondo at hindi ito magagamit sa katiwalian, ghost projects at mga substandard na rehabilitasyon.
Wala pang tinukoy na halaga ng pondong nakalaan para sa lalawigan ng Romblon sa inilabas na impormasyon.


























